Tuesday, April 24, 2012

Panaghoy sa Dilim

Sa isang espasyo kung saan walang ibang tao, maririnig natin ang panaghoy ng lalaki na lumaking nakatanikala sa dilim. Namulat siya sa ganoong tanawin, natulog at nagising muli sa lugar kung saan ang liwanag ay di napapansin.

(Nakatulala) Ako ay tao. Pinanganak din ako. Binihisan. Inalagaan. Isa akong nilalang na may takot din sa Diyos. Isa akong mabuting tao. (Napaluha) Naging mabait naman ako sa aking magulang, ni walang ginawang kasalanan. (Tumingala) Ano ang rason mo oh, Diyos ko?! Bakit ako?! Bakit ako pa? Ako na naging tapat sa Uyo. Ako na laging nananalig sa Iyo. Buong buhay ko, madilim. (Nagsisisigaw) Nasaan ang mundong nilikha mo? Nasaan?! Hindi ka makasagot? Sinungaling ka.

Sino sisisihin ko? Ako? Timang ka ba? Akala ko ba Diyos ka? Wala kang kwenta! Tulad ko, na nilikha mong walang katuturan ang buhay. Ako pa na walang inagrabiyado. Ako pa na sumunod sa lahat ng pinag-uutos mo. Ako pa na walang ibang ginawa kundi maging mabait sa kapwa ko.

(Napaluhod) Marahil ay walang Diyos. Marahil madilim nga ang sinasabi nilang mundo. Ikaw mata ko? Nasaan ka ba? Saan ka nagpunta nung pinanganak ako? Bakit wala ka sa oras na kailangan kita? Katulad ka rin ba ng Diyos ko na wala? Ano bang nagawa ko? Bakit hindi mo ako sinamahan buong buhay ko? Bakit mo ako natiis na mapag-isa? Inutusan ka ata Niya na huwag lumapit sa akin.

Mata? Hindi ka ba napapagod? Ako na lang sa trabaho mo? Ako na lang ang titingin sa mga nakikita mo? Kahit silip lang, matutuwa na ako.

Gusto kong makita ang mundo. Mata, bakit ayaw mo sa akin? Pangako magiging mabait ako sa iyo. (Nagalit at nagsisisigaw na tila natataranta) Bakit?! Anong ayaw mo sa akin? Anong ayaw mong makita ko? Ha? Mga karahasan ng mundo? Ayon ba ang ayaw mong ipakita sa akin? Katulad ba iyon ng mga kasamaan ng tao? Akala mo ba ganun lang iyon? (Tumayo) Akala mo na porke’t bulag ako ay hindi na magiging malupit at marahas sa akin ang mundo? Akala mo lang yun! Wala ka kasing alam! Alam mo ba na nawalan kami ni Inay ng tirahan. Ako naman si tanga, walang alam sa nangyayari at tangi ko lamang naririnig ay “Sunog! Sunog!”. Noong isang buwan naman ay nawalan ulit kami ng matitirhan at ang tangi ko lamang naririnig ay “MMDA! MMDA!”. Sa tingin mo lusot na ako sa mga nangyayari sa mundo, mas malala pa nga kasi hindi ko nakikita. Ano ang kaibahan noon kapag nakita ko o hindi? Sabihin mo lang na madamot ka! Oo ikaw mata, mas madamot ka pa sa mga nakaupo ngayong konggresista sa gobyerno. Ayaw mong ipakita sa akin ang ganda ng mundo. Makasarili ka!

(Napatulala at tumahan na parang sanggol sa kuna) Dati naikwento sa akin ni Inay yung bahaghari. Sabi niya na kapag natapos ang ulan, sisikat ang araw at pagkatapos noon ay may lilitaw na bahaghari. Sabi pa nga niya ay napakaganda noon at napakamakulay. Ako naman hindi ko makita. Ikaw mata? Nakakita ka na ba ng bahaghari? Ano ang itsura niya? Gusto ko siyang mahita kasi.

(Napasalampak) Naalala ko naman nung tinuruan kami ni Teacher Josie tungkol sa mga kulay. Pula, asul, dilaw, (napatawa) hindi ko nga alam kung ano ang mga iyon. Pinakulayan pa nga niya sa amin yung litrato ng bahaghari. May krayola nga ako, kaso hindi ko naman alam kung alin ang ikukulay sa alin. Ni hindi ko nga din alam kung paano mag-imahinasiyon. Di ka ba naaawa sa kain? Kahit nakamulat ang mata ko o nakatiklop ang aking mga talukap, wala akong makita kasi kahit panaginip ko ay walang kulay.

(Napatingala) Alam mo ba mata, gusto ko rin makita ang kalangitan. Maaninag ang mga bituwin at tala na sabi ni Inay ay kay tingkad kapag gabi. Malalaman ko lang na gabi na kapag, malamok (sabay tampal sa braso na tila papatay ng lamok), maginaw (sabay yakap sa sarili) at tahimik. Kapag araw naman, maingay (sabay takip ng tenga), mausok (sabay takip ng ilong), at mainit (sabay paypay sa kanyang suot). Ikaw? Makukuwento mo ba kung ano ang pinagkaiba nilang dalawa? Alam mo ba ang tinutukoy ko?

(Napangisi) Kapag linggo, naliligo kami ni Inay sa batis. Malayo pa laman ay maririning ko na ang lagaslas ng tubig. Kapag malapit na kami, maririnig ko naman ang tawanan ng mga bata habang nagtatampisaw sila. Sabi nila, maganda ang batis. Napapaligiran daw ito ng mapupulang rosas na ubod ng bango. Marami din daw na mga nagliliparang paru-paro na may iba’t ibang kulay. Mata, anong oakiramdam kapag nakita mo ang batis? Sila Inay nga napapamangha, ako pa kaya na bulag?

Naalala ko rin noong Pasko. Sabi ni Inay, maraming ilaw sa plaza. Kumukutikutitap pa daw. Kahit gusto kong pumunta, ayaw niya akong payagan. sabi niya, maiinggit lamang ako sa mga maririnig ko. (Nagbuntong hininga) Kailan ko kaya makikita ang plaza? Tapos nung pista naman sa amin, may tinayong karnaval. Kahit nasa bahay ako, naririnig ko yung ingay, yung pinagsamasamang, tilian, halakhakan at sigawan. Mukhang masaya doon. Sinamahan naman ako ni Inay doon. Sumakay kami ng Katerpilar. Ubod ng bilis, parang tatalsik ako. Tapos sumakay kami ng Ferris Wheel. Sabi ni Inay, maganda daw sa taas nito. Makikita daw ang buong nayon. Makulay. Mailaw. Kailan ko kaya makikita ito?

Noon namang bagong taon, sobrang ingay na halos mabasag na ang tenga ko. Marami akong naririnig, mga torotot, pasabog, paputok at mga halakhakas sa mga tahanan. Kami naman ni Inay ay nakadungaw lamang sa amy bintana. Ang tanging naririnig ko sa kanya ay “Wow! Ang ganda!” sa kada may maririnig na pagputok. Tinanong ko naman siya kung ano iyon. Ang tangi lamang niyang sinasagot ay mga pa-ilaw iyon sa kalangitan. Meron daw itong kumikislap na iba’t ibang kulay na parang bituwing matitingkad kung titingnan. sabi niya mabilis mawala ito at may kamahalan kaya hindi kami bumibili. Ikaw mata? Nakakita ka na ba ng paputok? Sana ako rin balang araw ay makakita din noon.

Mata, may itatanong ako sa iyo. Ano ba ang ibig sabihin ng guwapo? Sabi kasi ng nanay ko ay guwapo daw ako. (Napatawa) Ha? Ganun ba ang ibig sabihin noon? Nakakahalina pala akong tingnan. Kasuwerte ko naman pala. Kaso alam ko na niloloko lang ako ng nanay ko. (Napatawa ng mas malakas)Ikaw mata? Anong tingin mo sa kain? Guwapo ba kao? Sino ba ang kamukha ko? Sabi kasi ni Inay, kamukha ko daw siya kasi maganda siya o sadyang nagsisinungaling lang siya? Uy! Sagutin mo naman ang tanong ko? (Nagulat) Ano?! Pangit ako? Grabe ka naman. Sinungaling ka rin siguro. Pero sabi din naman sa akin ng mga kalaro ko dati, pangit ako. Kapag pangit ba nilalayuan agad? Kasi ganoon ang mg atao sa akin. Kay malas ko naman. Bakit ganito ang Diyos sa akin.

(Napahiga) Mayroon akong napakinggan na musika dati, ayun “Love at First Sight” yung tawag. Alam mo ba yun mata? Naranasan mo na bang umibig sa unang paglapat ng iyong titig sa kapwa mo mata? Ano ang pakiramdam noon? Kuwento ka naman oh. (Natuwa) Talaga? Nakakakilig naman. Gusto ko rin umibig kaso wala namang nalapit sa akin. (Nalungkot). Sino ba ang magkakagusto sa katulad kong bulag at pangit. Kung nakakakita lang sana ako edi sana may nagugustuhan na ako. Ano ba ang itsura ng maganda at pangit? Bakit palaging maganda ang lumiligaya? Ganyan ba talaga ang Diyos? Hindi siya patas!

Bakit hindi nalan ako namatay noong pinanganak ako? Bakit pa ako pinabayaang magdusa sa aking kalagayan. Akala mo ba mata, madaling mabuhay sa kadiliman. Wala kang makikita. Ni hindi mo maaaninag ang tunay na mundo. Ang lungkot lungkot ko. (Napatangis) Sa dinami rami ng tao, bakit ako pa? Ano bang naging kasalanan ko? Bakit ako pa ang sinumpa.

Sana namatay na laang ako. Sana hindi ko na dinanas ang pagdurusang ito. Ikaw mata? kapag nasa kalagayan ko ba ikaw ay magiging masaya ka? Anong sinabi mo? Magiging masaya ka? At bakit ka naman magiging masaya?

(Natigilan, napaluhod at napaiyak) Marahil tama ka mata. Bakit ko nanaising mamatay? Kung nandiyan naman ang Ina kong lubos na nagmamahal sa akin, kahit ako’y isang bulag.

1 comment:

  1. Nice one. Haha! Huy Sherwin! I love reading your articles. Must be something that I've experienced also before. :)

    ReplyDelete