“Tinig mula sa kalayuan
Aking pikitmatang narinig
Habang nasa kadiliman
Palayo sa tunay na daigdig”
Sa aking murang pisngi’y
Humalik, lamig ng simoy ng hangin
Kasamyo ng bango ng ponsetya
na nakatanim sa bawat halamanan
Katahimikan ay napawi
Nang aking malayang narinig
Mga batang nangangaroling
Na sa tono’y may ngiti’t tamis
Sa di kalayua’y aking nakita
‘sang paslit, sa kalsada’y nakadungaw
Nakasimangot, tuliro, tila nag-iisip
Mistulang pulubi sa Paskong darating
Saya na aking nadarama
ay napalitan ng awa’t habag
Di maatim na siya’y pagmasdan
Ulilang gutom at nilalamig sa daan
Dahan-dahan ko syang nilapitan
Iniabot aking dalang tinapay
Umukit ang ngiti sa kanyang mata
at pinahayag ang pasasalamat
Ngunit ano ang aking nasaksihan
Ng ito’y di kinain at sya’y lumisan
Patungo sa matanda sa may bangketa
Para ibigay ang nakuhang grasya
Sino ba ang makakapagsabi?
na sa Paskong ito’y aking naisip
“Anu bang saya ang may kakainin?,
Kahit kaunting biyaya para sa pulubi”
Ni hindi pumasok saking sarili
na sa buhay na lugmok sa putik
ay may natitirang himig at pag-ibig
Ngayon, ito’y pikitmatang narinig
No comments:
Post a Comment