Nawala ako sa kamunduhan. Di makakilos. Di makapagsalita. Tanging isang patak ng luha na dumaloy mula saking kanang mata ang tangi mong makakausap, na siyang makakapaliwanag ng aking nadarama.
“Wala na akong magagawa Manang Tonya, alam kong tumanda na kayo sa trabahong ito. Kung ako lamang ang masusunod eh di ko kayo tatanggalin. Di bale, eto na yung huli mong sahod, dinagdagan ko na yan”
Ano pa ba ang magagawa ko kundi tanggapin ang limang daang piso na nagsilbing huling kabayaran sa akin. Sinauli ko na rin ang aking uniporme at umuwi.
Napadaan ako sa kantina ng gusaling aking binabantayan. Napatunganga ako doon habang pinapanood ang mga estudyanteng sarap na sarap na kumakain. Dito, ako’y tuluyang natanikala sa aking kalungkutan at di na nakayanan ng aking matang tumangis sa sidhi ng kalupitang tinatamasa. Paano na kami bukas? Paano na ang pamilya ko? Kung hindi muna nagpahinga ng tuluyan si Roger, edi sana may katuwang ako sa pakikibaka sa unos na ito.
Imbis na sumakay ng bus, mas pinili ko ang maglakad para kahit labindalawang piso’y aking matipid. Para sa aking pamilya, makakabili na ako ng isang dakot ng dilis na magsisilbing aming hapunan.
Habang binabagtas ang daan pauwi sa aming dampa ay dumaan muna ako sa isang tindahan.
“Pabili nga po ng dalawang Lucky Me noodles, yung chicken flavor. Tsaka dalawang dakot na rin ng dilis”
“Tonya, naparine ang anak mong panganay kanina, aba’y gustong mamasukan bilang labandera. Diba sa UP yon nag-aaral?”
“Mga anong oras Aling Iska?”
“Aba’y kakaalis lamang, akala ko nga’y mangungutang ng mahahapunan nyo eh”
Pagkaabot sakin ng aking binili ay dali-dali akong kumaripas pauwi. Buwisit na batang ito, ano naman ang nangyari sa kanya? May bagsak kaya siya? Nako! Malilintikan sakin yung batang yon!
Sa bungad pa lamang ng aming dampa ay nasilayan ko na nakasalampak ang aking bunso sa may pintuan, tila ako’y hinihintay. Pagkakita nya sakin ay agad-agad niya akong sinalubong na dala-dala ang isang papel na may guhit na pigura. Napangiti ako at napayakap sa aking anak.
“Nay, tingnan niyo po yung pina-assignment samin ni teacher, ikaw po yan, the best gwardya in town”
“O sya pumasok na tayo para makakain na tayo”
Lalo akong nag-alala ng nakita kong wala pa ang anak kong panganay. Nadatnan ko lamang doon ang kanyang apat na nakakabatang kapatid na tila kumakalam na ang tiyan at abala sa kanilang takdang aralin.
“Inay nandito na po pala kayo”
“Punyeta kang bata ka, umalis ka ng bahay at iniwanan mo ang mga kapatid mo! Di mo ba naisip na gutom sila?! Ni hindi ka man lang nangutang kay Aling Iska! At ano naman yang nabalitaan kong namamasukan kang labandera? Ano titigil ka na sa pag-aaral?!”
“Nay, kasi..”
Gumaan ang aking kamay at di ko napigilang sampalin siya sa aking galit. Bigla akong natauhan sa sumunod niyang sinabi
“Nakita ko lang sa Kule Nay, wala na kayong trabaho. Natanggal na kayo. Bakit di nyo kayang tanggapin na matanda na kayo at uugod-ugod! Di na kayo makakapagtrabaho! Masama bang umisip ako ng paraan para kumita. Makakapaghintay yang diploma na yan Nay! Ayokong mamatay ng dilat ang mga kapatid ko!”
“Ano bang meron tayo anak? Isang dampa? Tapos ano? Kahati pa natin sa bahay ang mga ipis at daga? Anak, iyang diploma lang ang kaya kong ipamana sa inyo. Wala na akong ibang kayang ibigay kundi iyan. Sa inyong limang magkakapatid, hindi ako sumuko. Sinuong ko kahit anong trabaho, sekyu, magtataho, pedicab driver, labandera, katulong at kahit mambubungkal ng basura. Ginawa ko lahat ng iyon para makatapos ka, kayong lahat. Tapos ano? bibitawan mo na lang basta basta? Anak noon, hindi ako nangarap para sa sarili ko. Ngayon, pabayaan mo akong mangarap para sa inyo!”
Niyakap ako ng aking panganay, tila natamaan sa bawat salitang lumabas sa aking bibig.
“Mga anak, tandaan nyo. Habang nabubuhay si Nanay. Hinding hindi ko kayo pababayaan”
Sa lapag, masaya naming pinagsaluhan ang noodles at dilis na tila ba’y walang pangamba sa kung anong nagbabadya kinabukasan.
No comments:
Post a Comment