sa gabi,
madalas akong makipagsayaw
sa malungkot na musika ng hangin.
habang tahimik ang lahat,
nagpapayakap ako sa dilim
o kaya’y lumiliyad
upang magpalunod sa liwanag ng buwan
sa umaga,
sinasalubong ko ang sinag ng araw
na tila mga sibat na tumatama sa akin
susubok mangiti habang tinutuyo ako nito
mula sa pagkabasa sa ulan ng nagdaang gabi;
o kaya ay habang muling pinatitingkad
ang aking kulay sa kaniyang taglay na init.
madalas,
nagpapabali ako sa ulan,
yumuyukod sa kaniyang patak
lumalagok
malayang sumasalo,
malayang tumatanggap
sa kaniyang lamig at bigat.
oo, dahil isa akong dahon.isa akong dahon.
nakikisabay, kahit sadyang mag-isa
piping humihiyaw
at lingid sa nakikita ng mata
ay maraming kulay na taglay.
aking pinapanood ang lahat
habang walang nakakapansin.
isang araw,
matatangay rin ako ng malakas na hanging aking kasayaw,
ihihiwalay sa aking tangkay.
tahimik na hahalikan ang buhay na lupa,
at hindi maririnig ang aking paglagapak.
hindi ako manininisi ng sinuman.
malaya akong susunod,
hanggang muling hawakan ng hangin
upang ilipad patungo sa kung saan
at lumaya sa kawalan.
No comments:
Post a Comment