Tuesday, April 24, 2012

Kailan Ka Pa Natutong Uminom ng Gatas?

Mga Tauhan

NANAY: isang tipikal na nanay na nakapambahay

TATAY: isang tipikal na tatay na nakasuot ng uniporme sa trabaho

ANAK: lalaking teenager na naka-leather jacket at naka-eyeliner

Tagpuan

Sa sala. May mesa at dalawang upuan sa gitna. May flower vase sa gitna ng mesa. May drawer na nasa kaliwang gilid ng entablado.

Nakaupo ang Nanay habang ang Tatay ay nasa likod niya at nakatayo. Nakahawak ang tatay sa balikat ng Nanay. Nakatingin pareho ang dalawa sa anak na paparating na manggagaling sa kanan ng entablado. Sumasayaw-sayaw ang anak habang nakasuot ang earphone at dala-dala ang kaniyang backpack.Napatigil siya ng mapansin ang mga magulang.Tinanggal niya ang earphones.

ANAK: Oh Nay, Tay!

NANAY: Anak, maupo ka.

(Ibinaba ng anak ang kaniyang bag. Umupo ang anak sa upuan na nasa kabilang dulo ng mesa.)

ANAK: What’s up?

NANAY: Umuwi ng maaga ang tatay mo galing trabaho dahil mayroon kaming natukalasan na kailangan nating pag-usapan bilang isang pamilya.

ANAK: Ano ‘yun? (Nagtataka.)

NANAY: Kaninang umagahabang ako’y naglilinis sa’yong kwarto, may nakita ako. (Papalapit ang tatay sa drawer at may kinuha.) Honey!

TATAY: Anak, ano ‘to? (Itinaas ang isang aklat ng mathematics)

ANAK: (Napayuko at napahawak sa noo) Oh, shet! (Natahimik ng tatlong segundo) Ayoko ‘tong pag-usapan!

NANAY: Sagutin mo ang tatay mo!

ANAK: Isang Algebra book. (Nagulat at napatayo ang Nanay.Naglakad ng kaunti papuntang gilid.Tinakpan ng dalawang palad ang mukha at akmang iiyak.)

TATAY: Kailan mo balak sabihin ‘to sa’min, ha?

(Hindi sumagot ang anak at umiling lamang.)

NANAY: At nasaan ka kanina? Nagpunta ako sa Padis Point at Pegasus, wala ka dun. San ka nanggaling?

ANAK: Sa eskuwela!

TATAY: Sa eskuwela? Hindi ka na ba natututo? Hindi ka ba talaga nakikinig sa amin ng nanay mo? Anong pumasok sa isip mo at pumasok ka sa eskuwela? Paano na ang pagdo-DOTA mo? Ang pagba-bar mo? Ginagastos mo lang pala ang allowance mo sa pagpasok sa eskuwela!

ANAK: Ah, eh gusto ko lang naman…

NANAY: Ano? Gusto mo lang namang matuto ha? (Hinablot ng Tatay ang bag ng anak.)

TATAY: Ngayon tingnan natin kung ano pang pinaggagagawa mong kalokohan!

(Kinuha ng tatay ang Philippine Collegian newspaper sa bag.)

NANAY: (Kinuha ang hawak ng tatay na diyaryo) Ano ‘to? Philippine Collegian? Ano ‘tong Philippine Collegian na ito, ha?

ANAK: (Pabulong) School paper.

TATAY: School paper? Ano nang nangyari sa subscription mo sa Playboy? Sa FHM?

ANAK: Ewan ko!

TATAY: Ewan mo? Pinagagastusan namin yun ng nanay mo!

ANAK: Kinansel ko!

TATAY: Kinansel mo! Bakit? (Sumisigaw.)

ANAK: Kasi ano, ‘yung Playboy at FHM, article lang binabasa ko.

NANAY: Ano? Hindi mo man lang pinansin yung mga halos hubo’t hubad na seksing babae, ha?

(Habang nag-iisip pa ang anak ng isasagot. Lumapit na naman ang Tatay sa bag at kinuha ang isang bote ng gatas.)

TATAY: Ano ‘to? Bakit ka meron nito? Alam ko ‘to, eh. Ito yung sinasabi nilang ibinebenta sa eskuwela na meron daw vitamins at minerals, kailan ka pa natutong uminom nito, ha?

NANAY: Sumagot ka! Gusto mo bang magkaroon ng malusog at matibay na ngipin at buto? Yun ba ang gusto mo, ha?

ANAK: Eh ano? Eh ano kung ‘yun ang gusto ko?

NANAY: Anak…

ANAK: Kayo nga ang makinig sa’kin! Hindi ito ang unang pagkakataon na tumikim ako ng gatas, sumubok na rin ako ng ano…

TATAY: Ng ano?

ANAK: Gatas na fat free! (Nagulat nang muli ang Nanay.)

TATAY: Wala, wala akong anak na umiinom ng gatas na fat free, wala, wala!

ANAK: Eh di wala! (Tinulak ang Tatay.)

(Natahimik ang lahat ng ilang segundo.)

ANAK: Sorry, hindi ko sinasadya, ito ang gusto ko, eto ako, ayoko nang uminom ng beer, ayoko na ng Mcdo fries, ayoko nang manood ng porn!

TATAY: Ayaw mo na sa mga ‘yon?

ANAK: Ayoko na!

TATAY: Eh paano yung marijuana mo tuwing Pasko?

ANAK: Ayoko na rin!

TATAY: Hindi ko na alam, hindi ko na alam ang gagawin ko sa’yong bata ka.

ANAK: I am sorry! Nahihirapan na akong mabuhay sa buhay na gusto niyo. Naiinggit ako sa iba kong kakilala na nagtatrabaho para sa pamilya nila. Gusto ko rin ‘yon!

NANAY: Gusto mong gumaya sa mga iyon? Kung nakita mo ba silang tumutulong sa isang matandang babae na tumawid sa kalsada, gagawin mo rin, ha?

TATAY: Ang punto namin anak, ang gusto mong buhay ay hindi katanggap-tanggap! Hindi namin papayagan ng Nanay mo ang ganiyang pag-uugali dito sa loob ng aming pamamahay!

ANAK: Akala mo ang linis-linis mo ha! Akala mo hindi ko alam na sumama ka noon. Nag-Boy Scout ka, ‘di ba?

(Napaupo ang Tatay.)

ANAK: Alam ko Pa, alam ko lahat ng mababaho mong lihim!

NANAY: Anong sinasabi ng anak mo?

ANAK: Hindi niyo ba alam ‘Nay na minsan ay nag-training ang Tatay para makapaglingkod sa bayan! (Sinampal siya ng kaniyang Nanay.)

NANAY: ‘Wag kang magsasalita ng ganyan tungkol sa Tatay mo! Totoo ba ‘tong sinasabi ng anak mo?

(Tumayo ang Tatay at hinarap ang Nanay.)

TATAY: Matagal na panahon na iyon, nagbago na ko, kinalimutan ko na ang lahat ng iyon!

NANAY: Hindi ganoon kadaling kalimutan iyon, nag-training ka para makapaglingkod sa bayan! Kaya pala nagkakaganyan ngayon ang anak mo nang dahil sa’yo!

TATAY: Teka, teka, ikaw din naman ah! Akala mo hindi ko alam na nag-donate ka dati sa mga biktima ng bagyong Ondoy, ha?

ANAK: Ano? Nagawa niyo iyon Nay?

NANAY: Wala ako noon sa katinuan!

(Naupo pareho ang Nanay at Tatay.)

ANAK: I can’t believe this! Pinapagalitan niyo ako pero mas malala pa pala mga pinaggagawa niyo! Tapos dinidiktahan niyo ko kung paano ko papatakbuhin ang buhay ko! Bakit hindi niyo na lang pakialaman ang sarili niyo at hayaan niyo na lang akong maranasan ang maging isang teenager!

(Tumayo ang Tatay.)

TATAY: Anak, alam kong nagmumukha kaming hipokrito dito, pero ang mahalaga nagbago na kami pareho, bahagi na ang lahat ng iyon ng madilim na nakaraan! Tinalikuran na namin ang maduduming gawain na iyon.

(Tumayo ang Nanay.)

NANAY: Tama ang tatay mo, ngayon naka-pokus na kami sa negosyo nating pasugalan at pagpoprodyus ng porn. Talikuran mo na yang pagtatrabaho at pag-aaral na iyan. Magbalik loob ka na sa sex, drugs, alcohol at pagpa-party! Hindi pa huli ang lahat!

ANAK: Gusto ko ring gawin yan pero buhay ko ‘to!

TATAY: Hindi pwede, hanggat nasa ilalim ka ng bubungan na ‘to!

ANAK: Hindi niyo talaga ako naiintindihan ano? Kung gusto kong mag-aral, magtrabaho at kumain ng masusustansiyang pagkain, gagawin ko!

TATAY: Ayusin mo yang pananalita mo ha!

ANAK: Alam niyo meron pa kayong hindi alam eh.

(Nagpunta sa kanyang bag at kinuha ang isang kapirasong papel.)

ANAK: Nakikita niyo to? Scholarship sa UP! You heard it right! Magka-college ako! Tama ang narinig niyo, titigil na ako sa pagtambay at mag-aaral na ako!

(Nagulat at akmaang maiiyak ang Nanay.)

NANAY: Hindi, hindi kami papayag ng Tatay mo!

ANAK: Wala na kayong magagawa, kung gusto kong mag-abogado, wala na kayong magagawa!

(Akmang iiyak ang Nanay at napasandal na lang sa Tatay. Paalis na ang anak at biglang tumigil at muling humarap sa kanila.)

ANAK: Nga pala, kami na ni Lilia!

NANAY: Ano! Pinatulan mo ang relihiyosa, konserbatibo, magalang at virgin pang babaeng ‘yon? (Napabuntung hininga siya.) Paano na si Georgina na pokpok dun sa may kanto?

TATAY: At least ‘yon may pinagkakakitaan na at pwede mo pang gawing supplier ng shabu mo. Makakalibre pa kami.

ANAK: Pero laspag na sya. Ayoko na sa karinderya. Bukas sa lahat ng gustong kumain. Buti pa si Lilia, sariwang-sariwa pa.

NANAY: Bakit ‘di mo gayahin ang kuya mo? Ang ganda-ganda na ng buhay sa ilalim ng tulay.

TATAY: Ang ate mo, di lang karinderya. Restaurant pa. Dinudumog ng mga parokyano niyang foreigner. Hapon, German, Kano…

ANAK: Eh ayoko maging gano’n. Gusto ko maging abogado. Dyan na nga kayo.

(Tuluyan nang umalis ang anak.)

NANAY: Anak! (Tatangkaing pigilan ang papaalis na anak.)

TATAY: Wala na tayong magagawa. Desisyon niya ‘yon. Look on the bright side. Naglayas naman siya.Mabuti rin naman yun.

No comments:

Post a Comment