Tuesday, April 24, 2012

Hagilap sa Apat na Sulok

“Hoy! Gising na!”

Isa na namang umaga ang sa akin ay naghihintay, at ito’y aking sinalubong sa pamamagitan ng mala-kulog na sigaw ng aking ina.

Sa loob ng labing walong taong pamamalagi ko sa aking kuwarto, ang parehong boses ang nagsisilbing “alarm clock” na kahit ang kaluluwa ko na namamasyal pa sa Luneta ay sasakay pa ng MRT para lamang mabilis na makabalik sa aking humihilik na katawan at makagising bago sumabog sa galit ang aking ina.

“Babangon ka ba o bubuhusan kita ng kumukulong tubig?”

“Eto na! Eto na ho!”

At sa ganitong eksena, ito nagbibigay hudyat na ang buong araw ko ay nagsimula na naman.

Maliligo, magbibihis, kakain, sumakit ang tiyat at babanyo, iihi, nakalimutang maglagay ng tawas, naglagay, kinausap si inay at kanyang naamoy ang aking hininga, pinagsipilyo, nagsipilyo, at dahil simula ng panibagong linggo, ito’y aking ginawang lahat.

Papaalis na sana ako para pumasok, kaso may tinanong sa akin si inay.

“Parang isang linggo ko ng hindi nakikita ang cellphone mo, nasaan na iyon?”

“Nasa kwarto ko po, Nay”

At dahil napakagaling ng aking ina, ang nangyari ay pinahanap niya muna sa akin ang aking cellphone bago ako paalisin.

Dahil sa aking kaburaraan, ni hindi ko masabi kung nasa kuwarto ko talaga o talagang nawawala. Ako yung tipo ng tao na hindi palagamit ng cellphone kaya di ko alam kung nasaan. Sinubukan ko na itong tawagan gamit ang aming telepono kaso naalala ko na wala itong baterya.

Ang aking kwarto ay nasa ikalawang palapag ng bahay. Sa pintuan, may mga nakapaskil na karatula na, “No Sandwich, No Entry” na ginawa ko para sa nanay ko. Kaso, hindi ito umubra kahit kailan.

Pagbukas ng pintuan ng aking kuwarto, naamoy ko ang pinagsamang amoy ng gamit na medyas at pawisang sando na aking ginamit pangbasketbol. Isama mo pa ang amoy ng aking pang-ibaba na isang linggo kong sinuot bago hubarin. Lingguhan kasi dumarating ang aming labandera at sa panahong iyon lamang naaalis sa aking kuwarto ang aking pinaghubaran.

Makalat talaga ang aking kuwarto. Marahil karamihan talaga ng kuwarto ng lalaki ay marumi. Hindi ko to pinapagalaw kahit kanino. Hindi dahil sa may mga bomba akong DVD na tinatago sa kabinet, kundi ayokong mawala sa iniwanang kong lugar ang mga gamit ko. Ilang beses na rin akong napagalitan dahil sa dumi ng aking kuwarto. Lalo na ang aking mahal na alarm clock, este inay. Ilang beses na rin niyang tinangkang linisin ang aking kuwarto kaso di niya kinakaya ang amoy. Minsan naitanong niya sa akin, “Paano ka nakakatulog sa kuwarto mo? Ang baho eh!” Siyempre, sa akin nanggaling yung amoy kaya medyo hindi na ako naaapektuhan.

Tumambad sa akin ang mga pinagbalatan ng chichirya at alikabok na halatang halata sa puting pintura ng aking kuwarto. Sa may kama, doon nakabalunbon ang ginamit kong tuwalya na basa pa. Sa aking desk naman nakapatong ang mga sari-saring gamit. sa itaas naman ng aparador, nakalagay ang mga kahon na patong patong at hindi ko alam o natandaan kung ano ang mga laman.

Inumpisahan ko ng hanapin ang aking cellphone, inuna kong kalkalin ang tambak ng labahin sa kama. Sa aking paghahalungkat, natagpuan ko ang t-shirt na dati ko pa hinahanap. Naalala ko nung huling beses ko iyon sinuot. Regalo siya ng isang babaeng may gusto sa akin noon. Kahit nakakahiya, tinanggap ko ang kanyang binibigay. Isa siyang t-shirt na may imprentang malaking titik “S” na halintulad ng suot ni Superman. Simula noon, lagi ko ng sinusuot iyon na kinatuwa naman ng nagbigay sa akin. Ngunit isang araw ay nakita ko siya kasama ang kuya niya, tila pinapagalitan. Narinig ko ang pinag-uusapan nila. Doon ko nalaman na ang kaniyang binigay ay damit pala ng kanyang kuya. Nang tiningnan ko yung etiketa ng damit, napansin kong may nakasulat na “Julfe”. Nahiya ako kaya tinangka ko siyang isauli kaso imbis na kunin niya ay umiyak pa siya dahil ansama ko daw. Hindi ko na tinuloy ang pagsasauli kaso hindi ko na rin siya sinuot.

Pinagpatuloy ko pa ang paghahanap sa nagtatagong cellphone ko. Nahalukay ko na ang lahat ng labahin at nailagay ko sa dapat lagyan pero wala doon ang hinahanap ko. Sinunod ko naman hanapin sa aking aparador.

Sa aking paghahalughog, nakita ko ang isang bagay na matagal ko ding hinahanap. Naalala ko nung unang ibinigay sa akin ng magulang ko ang isang regalo. Pagkabukas ko, isang laruan na kung tawagin na Gameboy ang aking nakita. Tuwang-tuwa ako. Matagal ko ding nilaro ito. Noong kabataan ko, uso pa ang Pokemon kaya ito ang nilalaro ko dito. Matagal ko din itong nilaro pero nagsawa at di na kailanman ginamit pa.

Sinubukan ko itong paganahin ngunit tila ubos na ang baterya nito. Kumuha ako ng hindi pa nagagamit na baterya at sinalpak sa likuran. At ng aking buksan, gumana ito. Laking tuwa ko ng nakita ko ang mga paborito kong karakter sa Pokemon. Parang naging bata ulit ako. Dito kasi ako natutong maging matatag na akhit anong problema, huwag kang susuko dahil sa lahat ng pagkakataon ay may solusyon. Tiningnan ko ang relo ko at halos kalahating oras pa bago dumating ang sundo ko.

Inayos ko ang aking kabinet at nilapag ko na sa loob ang aking Gameboy bago ko ito isara. Wala pa din sa loob ang aking cellphone pero hindi parin ako tumigil at sinunod ko naman ang ilalim ng aking kama.

Madumi at maalikabok ang ilalim ng aking kama kaya kinuha ko ang tambo para walisan ito. Habang ginagawa ko ito, may biglang gumulong palabas, ito ay ang pinakapaborito kong bola. Maliit lang siya at sakto lamang sa kamay ko. Bigay pa ito ng lolo ko. Napaiyak na lang ako dahil bago siya mamatay ay naglaro pa kami gamit ang bolang iyon. Sa aking bola ay may nakasulat na “para sa aking pinakapaboritong apo”. Kapag natatamaan ako ng kalaro ko ng bola at ako’y nasaktan, sinasabi niya na huwag akong umiyak dahil hindi pa naman siya namamatay. Kaya noong namatay siya, isang linggong walang patid akong umiyak.

Pinagpatuloy ko pa rin ang paghahanap sa aking cellphone pero nalinis ko na ang ilalim ng aking kama pero wala parin ito. Wala rin sa aking desk. Kaya ang tanging natitira ay ang aking kama.

Nakakaasar pero wala pa din doon pero ng kinapa ko ang aking unan, may nahawakan ako. Isa itong sulat. Binuksan ko ito at aking naalala ang katarantaduhan sa likod ng sulat na ito. Noong isang buwan ay may nagustuhan akong babae. Napakaganda niya. Hindi ko siya maka-usap kaya gumawa na lang ako ng sulat. Mukha siyang matalino kaya sa wikang Ingles ko sinulat ito. Nilagay ko ang sulat sa kanyang locker. Hinintay ko na makita niya. At nang nabasa niya, inakala niya na isa itong biro sa pag-aakala na tinutukso siya dahil di siya gaanong magaling at nakakaintindi ng Ingles. Sa loob-loob ko lang ay puro itsura lang siya at walang utak. Kinuha ko na lang ulit ng palihim yung sulat ko sa kanyang locker at tinago na lamang sa unan ko.

“Aba napakalinis na ng kwarto mo ah” sambit ng aking Inay habang nakatingin sa akin.

Bigla kong tinago yung sulat sa aking unan para di niya makita.

“Nabasa ko na yan gunggong! O eto cellphone mo, tinago ko para linisin mo kuwarto mo”

Nainis akong bigla sa aking nanay at hinablot ko na ang aking cellphone sabay alis na ng bahay.

No comments:

Post a Comment