Sumapit na ang gabi at ang lahat ng tao ay mahimbing na sa pagkakatulog. Nakasarado na lahat ng mga tarangkahan at tahimik na ang paligid. Isang tagpo ang nangyari ng mag-usap ang aso’t pusa sa bakuran ng bahay. Si aso ay tahimik na natutulog sa kanyang bahay at si pusa ay sadyang gustong inisin ang hayop na natutulog sa labas ng bahay.
Pusa: (umaarteng sinisipon) Meow! Meow! Meow! Anlamig naman dito sa labas. Achu! Achu!
Aso: (nagsalita kahit sarado ang mga mata) Sadyang manipis ang balahibo mo na kabaliktaran kakapalan ng mukha mo.
Pusa: (lumipat sa pasimano ng bintana na kaharap ng bahay ng aso) Alam mo na ba ang pakiramdam ng nasa loob ng bahay? O baka mas tama kong tanungin kung nakapasok ka na ba sa bahay? (tumawa ng malakas)
Aso: (may halong pagmamayabang) Mas maayos na ako sa sarili kong bahay. Inuulit ko, sarili kong bahay (humalakhak ng marahan)
Pusa: At anu naman meron sa sarili mong silong aber? Damo pa rin naman ang hinihigaan mo at tanging gamit na yero ang nakakpagtago sayo mula sa init ng araw. Kapag umulan naman ay mababasa ka rin naman. Ano na ngayon ang pinagmamalaki mo? (napangisi sa pagsasalita)
Aso: (tumingin ng deretso kay pusa) Kahit silong man ito, bahay pa rin ang tawag dito. Nakikita mo ba yung bahay sa tabi natin. Hindi siya gawa sa konkreto gaya ng bahay ng amo natin. Gawa iyon ng pirapirasong yero at kahoy na tinagpi-tagpi. At alam mo ba kung ano ang kahalagahan noon? Alam nila kung paano pahalagahan ang bahay nila kahit ganoon ang itsura at kalagayan. Ikaw? Anu ba ang pinagmamayabang mo? Hindi mo naman bahay ang tinitirhan mo. Bahay iyan ng amo natin.
Pusa: (mukhang naiirita na at napipikon) Gunggong! Mas pipiliin ko pang makitira sa bahay na bato kaysa magtayo ng bahay na hindi kakayanin ang lakas ng hangin at ulan kapag may bagyo. Maging praktikal na tayo. Sino ba mas mahal sa atin ng ating amo? Ikaw na pinapatulog sa labas ng bahay? O ako na malayang nakakagalaw sa loob o labas man ng bahay?
Aso: (hindi nagpatinag sa sinabi ng pusa) Ihambing natin iyan sa mga nakikita natin sa kalye kapag pinapasyal tayo ng ating amo. Naalala mo ba yung mga nakita natin na mga patay na pusa sa daan dahil hindi sila kayang kupkupin ng mga tao. Ilang aso ba ang nakita mong nasagasaan ng kotse. Kahit pagala-gala man ang ibang ko ng kalahi. Hindi kami ka gunggong na katulad niyo para masagasaan. At sabihin na natin na nasa loob ka ng bahay, pero hindi ibig sabihin noon ay mas mahal ka nila kaysa sa akin. Tandaan mo na ang kapintasan ay tinatago at ang kagandahan ay inilalabas at pinagmamalaki. (napatalon sa pagtawa)
Pusa: (nagalit) At pinapalabas mo pa ngayon na isa akong kapintasan? Isa kang baliw. Hindi mo ba nakikita na nakakadena ka kapag may ibang tao dito o di kaya kapag pinapasyal tayo? Kasi mapanganib ka! Hindi katulad ko na malayang nakakagalaw dahil tiwala sila sa akin na hindi ako mananakit kahit sino pa man. O ngayon, sino ngayon ang kapintasan?
Aso: (tumaas ang noo) Kung iisipin natin, bakit nga ba ako nakikipagtalo sa iyo? Sa hayarkiya ng mga hayop ay mas mataas ang aso kaysa sa pusa. Sa madaling salita, sa ilalim lang kita. Para ka lang alikabok sa aking paa.
Pusa: (napataas ang mga mata) Sino ba ang mas mahal ang pagkain? Ako diba? Hindi biro ang kinakain ko. Tanging tatak “Iams” lamang ang nalabas masok sa tiyan ko. Di katulad mo, kapag naubusan, tira-tira ang kinakain. (napahalinghing)
Aso: Matanong kita, ano ba ang silbi mo sa loob ng bahay na iyan?
Pusa: Tagahabol ng daga.
Aso: Alam mo ba kung anong trabaho ko?
Pusa: Bantay. Isa kang bantay.
Aso: At sino ang mas mapakinabang?
Pusa: Ako siyempre, maraming nasisira ang mga daga sa bahay. Kinakain nila ang mga pagkaing para sa amo natin. Nagkakaroon ng sakit kapag nadampian ng ihi nila ang mga sugat ng tao. Kaya ako bilang pusa ay mapakipakinabang.
Aso: Ilang daga na ba ang nahuli mo?
Pusa: Sa buong buhay ko, lima.
Aso: Alam mo ba kung ilang magnanakaw na ang aking napigilan?
Pusa: (Tinaas ang isang mata) Ilan aber?
Aso: Sa aking mga daliri, di na sila magkakasya kapag binilang ko. Ibig sabihin, mas marami sa labing anim.
Pusa: Malaking pakinabang ka na sa ganoong lagay?
Aso: Oo
Pusa: Ano naman ang silbi noon?
Aso: (tumawa ng malakas) Ikaw pala itong walang utak. Siyempre iniligtas ko sila sa posibilidad na pagkamatay at pagkawala ng ari-arian. Mas malaking pakinabang iyon. Di katulad mo, daga? (napahalakhak) Wala ka pa sa kalingkingan ng maari kong magawa.
Pusa: Bakit ilang buhay ba ang meron ka?
Aso: Nagpapaniwala ka sa sinasabi nila na siyam ang buhay mo? Bakit hindi mo subukang magpasagasa sa kotse ng amo natin at matingnan kung ilan ang buhay mo?
Pusa: Sabihin na natin na hindi totoo iyon. Mayroon pa akong naisip na mas ikakataas sa iyo, at iyon ay mas malinis ako sa iyo.
Aso: Ikaw? Mas malinis? sa paanong paraan?
Pusa: Kapag dumudumi ako, tinatabunan ko iyon ng lupa para hindi mangamoy. Iyon din ang ginagawa ng mga kapwa kong pusa. Eh, ikaw? Kung saan-saan ka na lang nadumi kaya nagagalit sa iyo ang amo natin.
Aso: (nagalit) Teka, teka! Sino ba sa atin ang mas marumi? Ilang beses ka ba naliligo kada linggo? Ako pinapaliguan ako kada araw. Ikaw? Maliligo? Takot ka sa tubig di ba?
Pusa: (napahalakhak sa kinauupuan) At naniniwala ka doon? Ano pa ang iba mong alam tungkol sa aming mga pusa?
Aso: (nag-isip) Hmmm. Maingay kayo kapag naglalampungan, malas kayo kapag tumawid sa daan at pinapatay at pinag-eeksperementuhan ng mga estudyante sa UP.
Pusa: Hindi lahat ng pusa ay malas kapag tumawid sa daan. At tsaka katangahan na lang ng tao kung maniniwala sila doon. Porke’t itim, malas agad? Kung matatalino silang tao ay hindi sila maniniwala doon. At tungkol doon sa lampungan naming mga pusa, wala ka ng pakialam doon dahil kami-kami lang ang nakakaintindi noon. Tungkol naman sa pinag-eeksperementuhan kami sa mga laboratoriyo sa UP, hindi ko alam iyon.
Aso: Nakakaawa man kayo, pero kung malalaman ng tao ang totoo niyong ugali sa likod ng mapagbalat-anyo niyong kabaitan. Gagawin nila kayong pulutan. (Napatawa ng malakas)
Pusa: (Napaiyak) Bakit ikaw din naman ginagawang pulutan ah. Hindi mo ba alam iyon?
Aso: (Nagulat) Pagkatapos ng lahat-lahat ng ginagawa ng mga aso para sa tao ay ganoon din ang ginagawa sa amin?
Pusa: Oo! At hindi lang iyon, pinagsisipa pa kayo ng mga bata kapag paharang harang kayo sa daan.
(Napatigil ang dalawa)
Aso: Aso man ako, pero may buhay din ako. Hindi ako dapat nakakadena. Dapat malaya ako gaya ng tao. Mas asal hayop pa ang mga tao.
Pusa: Pusa man ako, pero may buhay din ako. Hindi ako dapat pinapatay. Dapat minamahal ako gaya ng tao. Mas asal hayop pa ang mga tao.
No comments:
Post a Comment