Tuesday, April 24, 2012

Kapag Bumuka ang aking Bibig

Namulat ang mga mata ko sa ibang tahanan. Ang mga kamay na nag-aruga sa akin ay sa ibang tao, hindi kadugo. Gayunpaman ay minahal ako ng aking kinagisnang magulang ng higit pa sa tunay na anak. Isang bagay na habambuhay kong tatanawing utang na loob at susuklian ko ng walang kondisyong pagmamahal.

Natatandaan ko pa kung paano ako minahal ng aking mga kinikilalang magulang. Wala akong kaarawang hindi nagkaroon ng handaan. Binibigay nila ang lahat ng aking hingiin mula sa laruan, damit at iba pang materyal na bagay. Masasarap at masusustansyang pagkain ang inihahanda nila sa hapag kainan. Sa tuwing magkakasakit ako ay kitang-kita ko sa mga mata nila ang pag-aalala. Ang kanilang pag-aalaga sa akin ay higit pa sa tunay na anak. Pinag-aral nila ako sa pribadong paaralan. Ang suporta nila at pagmamahal ay tunay at dalisay. Ito ang mga bagay na ngayon ko lang nabatid. Ngayong panahon kung saan ay huli na para magpasalamat.

Madalas kong marinig ang mga bulong-bulungan noong bata pa ako. Ako daw ay isang ampon. Hindi ko pa lubos na maunawaan ang ibig sabihin ng salitang iyon. Pero ang nararamdaman ko ay pagkainis at galit sa mga nagsasabi sa akin ng salitang iyon. Ibang-iba raw ang hitsura ko kumpara sa dalawa kong kapatid at higit sa lahat ay malayo ang agwat ng edad ko sa kanila. Nasa ikalimang baitang na ako noon, samantalang tatlong taong gulang pa lang ang sumunod sa akin. At ang bunso naman ay sanggol pa lang. Kakapanganak lang ng mama ko ng mga panahong yun. Nasa mahigit singkwenta na ang papa ko samantalang magsi-singkwenta pa lang ang mama ko.

Nasa huling taon na ako sa high school ng ipagtapat nila sa akin ang katotohanan. Marami na kasi akong naririnig na kwento tungkol sa aking pagkatao. Diumano ay ampon lang ako. Isang bagay na masakit para sa akin. Minsan ay naglakas loob akong magtanong habang kumakain kami ng hapunan.

“Pa, Ma, totoo po bang ampon lang ako?

Hindi makasagot ang mga magulang ko. Para silang natuklaw ng ahas. Hindi sumagot at nagkatinginan lang. Noong panahong iyon ay nakumpirma ko na ang katotohanan. Ngunit mas nanaig pa rin sa isip ko ang pagwawaksi ng bagay na iyon. Pagkatapos ng hapunan ay pinuntahan ako ng tatay ko sa silid tulugan ko.
“Anak mahal na mahal ka namin ng mama mo”, ang bungad nito. Habang nakaakbay ito sa balikat ko.
“Totoo po ba yun Pa?”, ang naiiyak na sagot ko.
“Importante pa ba sayo yun, anak, mas higit pa dun ang turing namin sayo. Oo, ampon ka nga namin pero anak, matagal na naming kinalimutan ang pagiging ampon mo”
Napaiyak ako ng malaman ang katotohanan mula mismo sa bibig ng aking ama. Iyon ay mistulang bombang sumabog sa aking pandinig. Para akong namatay ng saglit ngunit nagbalik din agad. Sa unang pagkakataon ay nakadama ako ng hinanakit, ng galit. Palagay ko ay niloko ako ng mga tao, ng mga magulang ko. Mas nanaig sa akin ang hinanakit at poot sa tunay kong mga magulang. Paano nila ako nagawang iwan? Hindi ako mahal ng tunay kong mga magulang.

“Matagal na raw noon na nagsasama sina Mama at Papa. Mahigit sampung taon na pero hindi pa rin binibiyayaan ng anak. Wala naman daw diperensya ang mag-asawa pero sadyang kapos talaga pagdating sa pag aanak. Kayat minabuti nitong mag-ampon na muna habang di pa binibiyayaan ng anak. Pumunta ang mag-asawa sa bahay ampunan. At nagkataong may nag-iwan ng batang sanggol na lalaki doon. At husto namang naghahanap ng aampunin ang mama at papa ko. Sa madaling kwento ay inampon nga nila ang batang iyon. Inalagaan at pinalaki na parang tunay na anak. Hanggang sa isang araw ay nagdalantao ang mama ko. Makalipas ang ilang taong pagsasama nila ng Papa ko ay saka nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Wala raw pagsidlan ng tuwa ang aking nakilalang ama. Sa wakas ay may magpapatunay na ng pagkamacho nito. Makalipas lang ang isang taon ay muli silang biniyayaan ng isa pang anak na lalaki. Gayunpaman ay nanatili naman ang pagmamahal nila sa akin. Ako ang nagsilbing panganay nilang anak at batid kong pareho ang tingin nila sa aming magkakapatid”

Nang malaman ko ang bagay na iyon ay nag-iba ang tingin ko sa pamilyang kumupkop sa akin. Nag-iba rin ang pakikitungo ko sa dalawa kong kapatid. Naging mainitin ang ulo ko. Minsan ay hindi na makatiis ang Papa ko at pinagalitan niya ako dahil sa pag-aaway namin ng kapatid ko na di hamak na mas bata sa akin ng husto. Sa unang pagkakataon ay sinagot-sagot ko ang Papa, pakiramdam ko kasi ng mga oras na iyon ay mas kinakampihan nito ang tunay na anak, palibhasa ay ampon lang ako, hindi kadugo, isang pabigat na sampid sa pamilya. Nagalit ito ng sobra at akmang susugurin ako at sasampalin ng bigla itong matumba. Inatake ito ng sakit sa puso. Sa palagay ko ito na yata ang pinakamasamang nagawa ko sa buhay. Mabilis ang mga pangyayari. Nag-iiyakan ang dalawa kong kapatid at si Mama. Tumulong ang aming mga kapitbahay at mabilis na isinugod ito sa ospital pero huli na ang lahat. Wala na si Papa. At ako ang dahilan ng kanyang pagkawala. Kung hindi dahil sa akin ay buhay pa sana siya. Wala akong utang na loob. Minahal niya ako na higit pa sa isang tunay na anak pero di ko man lang siya nasuklian ng higit sa kanyang nagawa.

Ibinurol ang papa ko sa aming bahay. Alam ko may galit ang mga kapatid ko at pati ang mama ko sa akin. Ang mga kamag-anak ng Papa ay masama ang loob sa akin. Hindi ko na kaya ang lahat. Mabuti pa siguro na umalis na lang ako. Matapos mailibing ang Papa ay nagpasya na akong umalis sa bahay. Sasama ako sa kaibigan ko na pupunta ng Maynila. Kung ano ang magiging kapalaran ko doon ay bahala na ang kapalaran.
Nakahanda na ang mga gamit ko. Nakasilid na ito sa bag. Ngunit wala ang mga kapatid kong mas bata sa akin pati si Mama kaya nagpasya akong hintayin sila para makapagpaalam. Ito na marahil ang huli kong pagkakataong makikita sila. Wala na akong planong bumalik pa.Ilang minuto pa ay dumating na sila.
“Ma, aalis na po ako”, ang sabi ko. Nakatungo.
Biglang bumuhos ang mga luha nito sa mata. Niyakap ako at saka sinabing.
“Anak huwag kang umalis. Kailangan ka namin dito. Iniwan na tayo ng Papa mo. Pati ba naman ikaw mawawala pa”. Umiiyak na wika nito.
Nakita ko ang dalawa ko pang kapatid na napaiyak rin. Lumapit ito sa akin at yumakap. “Kuya wag kang umalis” ang sabi ni Junior na halos mangiyak ngiyak na. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko itong umiyak at may emosyon.
Lumapit na rin pati na si John. Humingi ito ng tawad. Ngunit sinabi kong ako dapat ang patawarin nila.

Kinabukasan ay pumunta kami sa puntod ng Papa. Nagdasal ng taimtim. Sa aking panalangin ay humingi ako ng tawad. Pinagsisihan ko ang aking pagkakamali. At alam ko pinapatawad ako ni Papa. Muli kong naalala ang mga kabutihang ginawa nito para sa akin. Ilang saglit pa ay kumulog ng malakas. Nagbabadya ang malakas na ulan. Nagpasya kaming umuwi na. Nang nasa bahay na kami ay saka bumuhos ang malakas na ulan. Tahimik na ang gabi. Tanging ang lagaslas na lamang ng ulan ang maririnig. Tulog na sina mama at ang dalawa kong kapatid. Bukas ay naghihintay ang bagong buhay. Kahit wala na si Papa ay alam kong muling magiging buo ang pamilya. Ang pagmamahal na iniwan niya ay patuloy na magbibigkis sa amin. Sa aming pamilya. Magiging mabuti akong kuya ng dalawa kong kapatid at tutulungan ko ang Mama.

Marahil nga ay ampon lang ako pero mapalad ako at may pamilyang minahal ako ng higit pa sa tunay na kapamilya. Mama at Papa, mga kapatid ko, mahal ko kayo, naibulong ko hanggang sa tuluyan ng sakupin ang diwa ko ng panaginip.

No comments:

Post a Comment